Seaman ang erpat ko! Kahapon dumating sya pagtapos ng halos siyam na buwan nya sa barko at buhos agad and alak sa bahay. Kala mo nga fiesta. Kompleto ang tropa ni erpats. Lahat sila ay masayang-masaya at halos gawing mineral water ang beer. Meron pa silang iniinom na binili pa daw ni erpat sa duty free. Ewan kung anong alak yun, may nakasulat na parang Jani tapos may letrang “dabalyu” tapos letrang “a” sinundan pa ng letralng “l” at sa dulo ay “ker” naman. May drowing pa nga ng tao na may baston na parang naglalakad at kulay blue ang laman. Pasensya na at mahina kasi ako sa ispeling at medyo mabagal magbasa, nahuhuli na nga ako sa klase. Nasa high school na yung mga kababata ko pero nasa grade six palang ako.
Ganito palagi tuwing dumarating si erpats. Para kaming tumama sa lotto. Dami naming pagkain tsaka laruan. May dala nga sya sakin PSP sabi nya mahal daw yun. Heto nga at halos di ko na bitawan. Marami pakaming assignment pero mangongopya nalang ako bukas sa katabi ko.Pahiramin ko nalang sya ng PSP tsaka ng bago kong walkman na may drowing ng mansanas na kinagatan. Epod yata tawag dito. Si ate binigyan ni erpats ng kwintas na ginto na may parang manibela ng barko sa dulo.
Pero wag kang maingay ha? Di kasi alam ni erpats na buntis si ate. Di pa sinasabi ni ermats mukhang naghihintay lang ng tyempo. Kahapon kasi galing sa bahay nmin yung tatay nung nagpapdyak ng bisikleta dyan sa kanto. Yun bang maraming tato at laging nakahubad na malaki ang tiyan. Sya raw ang erpats nung nakabuntis kay ate. Diko alam kung anong napagusapan nila ni ermat pinalabas kasi ako. Sa pakiwari ko parang magtatapos na si ate ng high school sa susunod na buwan, pano kaya yun kung buntis na sya?
Ewan ko ba. Minsan masaya pero madalas malungkot. Lagi kasing wala si erpats. Nung ipinanganak nga daw ako nasa barko sya. Ganun din nung si ate ang ipinanganak, kasasampa lang yata nya nun.Mga ilang birthday ko na rin di nakikita si erpat. Di kona nga maalala kung kelan siya huling nagpasko sa Pinas. Si ermats naman laging nasa tong-itan o kaya sa binggohan dyan sa kapitbahay. Tuwing katapusan pumupunta kami sa bangko para kunin yung padalang pera ni erpats. Alatmen daw ang tawag dun sabi ni ermat. Dumadaan na rin kami sa sanglaan at pinatutubuan nya yung mga na-isanla na kuwintas at sing-sing. Sayang daw baka maremata. Sa tuwing umuwi nga si erpat eh dami nyang alahas pero unti-unting naisasanla bago sya bumalik sa barko. Makailang ulit nya na ring binawi yung pasalubong nyang hikaw kay ate papalitan na lang daw pagnakasakay na siya ulit.
Bakit kaya ganun? Sabi nila masarap daw mag seaman. Marami ka daw mapupuntahang lugar at malaki daw ang kikitain mong dolyar. Eh bakit wala namang seaman na yumayaman? Dito nga lang sa barangay namin eh halos kada kanto may seaman pero ganun din. Pareho lang din naman ang pamumuhay. Masaya at maginhawa pag bagong dating o kaya tuwing katapusan pero mas madalas maraming problema.
Sabi nila masarap mag seaman. Pero para sakin mas masarap kung tuwing birthday, tuwing graduation, tuwing pasko, tuwing bagong taon, at tuwing magkakasakit kami ni Ate, nandito sana si erpat. Sana tuwing may PTA meeting sa school maisama ko sya. Sana pag pinatawag ako ng principal namin at may sulat na “bring peyrents” eh makasama ko sya.
Marami na syang di alam tungkol samin ni Ate. Natuto nakong manigarilyo at pa shot-shot na rin sa kanto. Di na naman nga ako makakagraduate ngayong taon eh kasi sabit ako sa math at science. Lagi kasi kaming nagkakating ng mga klasmeyt ko. Wala namang nagbabawal samin ni Ate. Wala namang gumagabay. Si ermats naman malapit na niyang maging kamukha si Benjamin Franklin, yun bang taong ang larawan eh nakalagay sa dolyar. Mas gusto pa nyang nakikita yun kesa kay erpats.
Ilan kayang bata ang katulad namin ni Ate na lumalaki ng walang erpats, at kahit na may ermats ay parang wala din dahil laging nasa kapitbahay? Siguro kung alam lang ni erpats na buntis na si Ate at ako naman ay isa nang ganap na “bebe” as in “bebeng gandanghari” eh siguro baka huminto na sya sa pagbabarko at makapiling na namin sya ng mas matagal sa tatlong buwan. O sya, mga manesh, hanggang dito nalang at baka majombag ang lola nyo ni ermats at ma lost ang beauty ko. Sabi ko na sa inyo di bagay sakin ang seaman, sirena pwede!
mulasakathangisipnilesterjaymalinpasco
No comments:
Post a Comment